Monday, April 21, 2008

Atang de la Rama: Reyna Ng Sarswela, Reyna Ng Kundiman

Si Atang de la Rama (Honorata de la Rama) ang tinaguriang Reyna ng Sarswela at Kundiman ay ipinikilala sa pelikulang Pilipino sa pamamagitan ng unang pelikulang ginawa ng isang Pilipino (prinodyus, dinirek at karamihan sa mga gumanap ay mga Pilipino), ang “Dalagang Bukid” na pinamahalaan ni Jose Nepomuceno. Katambal si Marcellano Ilagan, ang Dalagang Bukid ay isang sarswela sa panulat ni Hermogenes Ilagan at dahil sa matagumpay na pagtatanghal nito sa entablado ay isinalin sa pelikula nuong taong 1919. Ang “Dalagang Bukid” ay isang silent film, subalit kakaiba ang ginawa ni Nepomuceno sa parte ng mga kantahan at tugtugan sa pelikula: sa tabi ng telon ay naroon sina Atang de la Rama at sinasabayan ng pag-awit ang parte ng pelikulang may kantahan.
Kuha mula sa pelikulang "Dalagang Bukid" kasama ni Atang de la Rama si Marcellano Ilagan
(Mula sa koleksiyon ni G. Danny Dolor na nalathala sa Expressweek Magazine)
Isinilang sa Tondo, Maynila nuong 11 Enero 1905 at sa edad na 7, lumalabas na siya sa mga sarswela sa wikang Espanol katulad ng “Mascota”, “Sueno de un Vals” at “Marina”, at sa edad 15 nga ay lumabas siya sa pelikulang Dalagang Bukid, na sinundan ng iba pang pelikula katulad ng La Venganza de Don Silvestre, Oriental Blood, Ang Kiri, at iba pa. Bukod sa pagiging artista at mang-aawit, naging prodyuser din siya sa teatro, manunulat at talent manager. Ilan sa kanyang ginawang dulang pang-teatro ay ang “Anak Ni Eva”, “Aking Ina”, “Puri at Buhay” at “Bulaklak Ng Kabundukan”. Hindi lamang sa mga sikat na teatro gaya ng Teatro Libertad at Teatro Zorilla siya lumalabas, kundi maging sa mga plaza ng iba’t ibang lugar sa kapuluan, mula Luzon hanggang Visayas at Mindanao, sapagkat naniniwala siya na ang arte ay Sining ay para sa lahat, kaya’t ipinakilala niya ang sarswela at kundiman sa mga katutubo at maging sa ibang bansa ay ipinakilala niya ang kulturang Pilipino sa pamamagitan ng kanyang pag-awit ng mga kundiman sa mga concerts sa iba-ibang siyudad sa mundo gaya ng Hawaii, San Francisco, Los Angeles, New York City, Hong Kong, Shanghai at Tokyo.
 (Mula sa koleksiyon ni G. Danny Dolor na nalathala sa Expressweek Magazine)
 Nuong Mayo 8, 1987 ay iginawad kay Atang de la Rama ang Pambansang Artista ng Pilipinas para sa Teatro at Musika, bilang pagkilala sa kanyang debosyon sa Sining ng Teatro at Musikang Pilipino at sa pagpapalaganap nito sa lahat ng sector ng lipunang Pilipino at sa buong mundo.
 (Mula sa koleksiyon ni G. Danny Dolor na nalathala sa Expressweek Magazine)
 Si Atang de la Rama ay namatay nuong July 11, 1991. Siya ay ikinasal kay Amado V. Hernandez na isa ring Pambansang Artista ng Pilipinas para sa Literatura.

(Mula sa koleksiyon ni G. Danny Dolor na nalathala sa Expressweek Magazine)


Filmography:
1919 - Dalagang Bukid (Malayan Movies)
1920 - La Venganza de Don Silvestre (Malayan Movies)
1930 - Oriental Blood
1934 - Ang Landas ng Kayamanan
1938 - Ay Kalisud (Filippine Pictures)
1939 - Ang Kiri (Diwata Pictures)
1950 - Batong Buhay (Filipinas Pictures)
1956 - Buhay at Pag-ibig ni Dr. Jose Rizal (Balatbat & Bagumbayan Pictures)





No comments:

Post a Comment