Thursday, November 20, 2008

RONNIE AND SUSAN

NOSTALGIA 4:
FERNANDO POE, JR. AT SUSAN ROCES

“ANG DAIGDIG KO’Y IKAW”

By Ely S. Sablan

Source: Jingle Extra Hot Movie Entertainment Magazine, 1983

Hindi na ipinagtatanong pa kung ano ang katayuan ngayon nina Fernando Poe, Jr. at Susan Roces. Ang dalawang bituing ito ang itinuturing pa rin sa kasalukuyan na Hari at Reyna ng pelikulang Tagalog. Bagama’t hindi na sila masyadong gumagawa ng mga pelikulang sila ang magkapareha, naroon pa rin ang paghanga at pagtangkilik sa kanila ng masa, magkapareha man sila sa pelikula o hindi.

Marami ang nagtatanong noong bago pa lang sumisikat sina Ronnie at Susan kung bakit at paano nagkagustuhan ang dalawa samantalang magkahiwalay naman sila ng kompanyang pinaglilingkuran. Si Susan ay contract star ng Sampaguita Pictures at si Ronnie naman, kung hindi ako nagkakamali, ay sa bakuran ng Larry Santiago Productions nagsimula.

Sabagay, hindi na dapat pang pagktakhan ang mga bagay na iyan. Siyempre, artista, marahil sa isang sosyalan sa showbiz sila nagkakilala at nag-meet nang personal. O baka naman ang kanilang mga puso ay nakatakda na sa isa’t isa dahil hindi ba napakaraming naging leading men si Susan na nagkagusto rin sa kanya at si Ronnie naman ay iba’t iba rin ang nakaparehang babae sa pelikula? Talaga lang sigurong nakaukit na sa tadhana ang kanilang kapalaran.

Ngayon natin bubuksan ang maliligayang araw ni Susan sa bakuran ng Sampaguita Pictures. Noong nandito pa siya, alam ng lahat na mahigpit ang labanan o rivalry nila ni Amalia Fuentes. Sa tuwing magkakaroon ng mga patimpalak ang bawat magazines, silang dalawa ni Amalia ang mahigpit na naglalaban sa unang puwesto.

Subalit, ayon sa ilang interbyu natin sa batikang manunulat na si Tom Adrales, si Susan daw ang palaging nangunguna sa mga patimpalak at si Amalia ay pangalawa lang. Pero hindi namin gusting sabihin na natutulog ang mga tagahanga ni Amalia. Mas masuwerte nga lang si Susan sa mga naturang pa-contest.

Noong kainitan pa ni Susan, hindi ko malilimutan ang mga pelikulang pinagtambalan nila ni Fernando Poe, Jr. sa iba’t ibang produksyon tulad ng Ang Daigdig Ko’y Ikaw, Magpakailanman at Zamboanga.

Samantala, si Ronnie Poe naman ay sikat na sikat din. Maraming pelikula ang napanood ko na iba’t iba ang kanyang leading lady. Nariyan si Amalia Fuentes na kasama niya sa pelikulang Rosaryo at Baril, Dugo sa Buhangin with Helen Gamboa, My Little Christmas Tree with Nora Aunor at Bato sa Buhangin with Vilma Santos. Lahat nang ito ay tinangkilik ng mga tao.

Hindi lang iyan. Maraming pelikula pa rin si Ronnie na pawang hit at ang ilan ditto, na akin pang natatandaan, ay ang Daniel Barrion, Baril na Ginto, Alupihang Dagat, Perlas ng Silangan, Duelo sa Sapang Bato, Manu-Mano, Magiting at Pusakal, Santiago at iba pa.

Si Susan naman, pagkaraan ng kanyang Sampaguita days, ay pumareha naman kay Romeo Vasquez na pinagkakaguluhan din noon. Maruja ang pinagtambalan nilang pelikula, under Lea Productions, na talaga naming tumipak nang husto sa takilya. Tangkilikin ba naman ito ng fans nilang dalawa. At maganda ang istorya ng nasabing pelikula.

Pagkatapos ng matagumpay na pelikula nila ni Bobby, nasundan ito ng Bandana at ang Romansa sa World’s Fair na kinunan sa ibang bansa. Kumitang muli sa takilya ang mga pelikulang ito.

Kahit hindi sila gaanong tumambal sa isa’t isa nung kapanahunan nila, naging malapit naman ang kanilang mga puso.

Ikinasal ang dalawa sa Sanctuario de San Jose sa Greenhills. Naging Ninong at Ninang nila ang Pangulo at Unang Ginang ng bansa. Naging abay sa kanilang kasal ang tatlong kapatid ni Susan na sina Rosemarie, Teresita at Bennet Sonora. Ang mga kapatid na lalaki ni Ronnie ay naging abay rin.

Napakarangya ng kasal nina Ronnie at Susan. Tinagurian itong pinakamagandang wedding nung taong iyon sa showbiz. Napakaraming kilalang tao ang dumalo at nung araw ng kanilang kasal, ang Roper’s Studio ang siyang kumuha ng larawan ng dalawa na na-publish sa lahat na yata ng magazines at diario nung panahong iyon. Ang Daigdig Ko’y Ikaw ang inawit sa kanilang kasal.

Bagama’t hindi pinalad na magkaroon ng anak sina Ronnie at Susan, hindi pa rin nabawasan ang kanilang pagmamahalan. Ang pag-ibig na kanilang sinumpaan sa harap ng altar ay naroroon pa rin sa kanilang puso. Na magsasama nang walang hanggan, sa hirap man o sa ginhawa. Gayunpaman, masaya pa rin ang kanilang tahanan dahil mayroon silang isang anghel sa katauhan ng magandang si Mary Grace. Hindi maikakaila na si Fernando Poe, Jr. ay modelo ng isang tunay na aktor. Halos lahat ng bata, matanda, teen-ager ay iniidolo siya. Ganyan kalakas ang power niya sa masa.

Si Susan naman ay larawan ng isang magandang Pilipina. Napakayumi at busilak ang puso. Talagang napakapalad ng dalawang ito at kinaiinggitan ng balana ang kanilang pag-iibigan. Subok na matibay at subok na matatag pa. Kay asana, maging halimbawa sila ng mga artistang nagkakatuluyandin sa buhay upang sa ganoon, kahit anong hirap ang kanilang maranasan ay naroon pa rin sila, maligaya at tahimik na nagsasama, tulad nina Ronnie at Susan.

Sana ay gumawa ngayong taong ito ng isang pelikulang may magandang istorya sina Ronnie at Susan. Yung pelikulang tatatak talaga sa isipan ng masa.

* * * * * *

















Thanks to Simon Santos of video48.blogspot.com for the movie ads.

* * * * * *


No comments:

Post a Comment