Click on images to enlarge
* * * * * *
SIMULA NGAYON SA STATE NG 'JUAN TAMAD'
Unang Pelikula Sa Kasaysayan Ng Panoorin Sa Pilipinas Na Magdaos Ng Paunang Pagtatanghal
(Taliba, Miyerkoles, Sept. 22, 1959)
Kagabi kasabay ng pagsisindi ng nakasisilaw na liwanag sa lobby ng Sine State ukol sa pelikulang "JUAN TAMAD GOES TO CONGRESS" ay muli na namang nabuksan ang panibagong kabanata sa kaunlaran ng industriya ng pelikula sa bansa. Kagabi ay idinaos ang natatanging paanyayang "preview" ng "JUAN TAMAD GOES TO CONGRESS" at s araw na ito ay sisimulan ang unang tatlong araw ng paunang pagtatanghal. Taglay ng pelikulang ito ang maraming "una" sa larangan ng paglilibang. Ito ang unang pelikulang Tagalog na magkakaroon ng paunang pagtatanghal sa State simula nang ito ay pasinayaan noong 1936.
Nangunguna sa talaan ng nagsisiganap ay sina Manuel Conde, Tessie Quintana at ang bagong tuklas na si Adorable Liwanag. Subali't higit na malaking kaunlaran sa kasaysayan ng pelikula ang kanyang produksiyong ito na naganap na sa ikatlong pagkakataon. Noong una, si Manuel Conde ay kinikilalang ama ng pelikulang katatawanan na noong mga panahong iyon ay hindi pinahahalagahan ng mga prodyuser. Subali't pinatunayan ni Conde ang pagkakamali ng marami at ipinakilala niya iot sa pamamagitan ng kanyang "Maginoong Takas" na naging "hit" sa takilya.
Mula sa kanyang tagumpay sa "Maginoong Takas" ay isinapelikula ni Conde ang balita sa daigdig ng "Genghis Khan" na lumikha ng katangian sa Venice Film Festival. Dahil sa kanyang nagawang ito ay natitik sa buong daigdig ang pangalang Manuel Conde at pinatunayan niyang ang pelikulang Tagalog ay marapat din sa pagtatanghal sa iba't ibang bansa. Katunayan, hangga ngayon ay ipinamamahagi pa rin ng United Artist Corporation ang "Genghis Khan".
MGA KAHANGA-HANGANG TANAWIN NG BANSA NA ITINATAMPOK SA PELIKULA
Lahat ng pinakamagagandang tanawin sa Pilipinas ay makikita s unang pagkakataon na nilakipan ng likas na kulay sa pamamagitan ng "Juan Tamad Goes To Congress" na sisimulan sa araw na ito sa Sine State.
Sa isang nababagong kaparaanan ay igagala ang tanawin ng mga manonood ng prodyuser na si Manuel Conde sa pambansang pagmamasid sa Pilipinas na higit na mabilis kaysa aeroplanong "jet" na pumapaimbulog sa papawirin. Ito ay sa pamamagitan ni Adorable Liwanag na ipakikitang nagpapalipat-lipat sa iba't ibang pook sa pagsisimula ng kasaysayan. Siya ay makikita sa mga pook na katulad ng magandang Bulkan ng Mayon, ang nakabibighaning Lawa ng Taal sa may Tagaytay, ang kahanga-hangang Hundred Islands, ang bagong katutuklas na Magdapio Falls, ang ika-8 kababalaghan sa daigdig na Banaue Rice Terraces, ang mabalikong Ilog ng Magat sa Cagayan at marami pang mga pook na siyang kinaiinggitan ng mga ibang bansa sa tropiko dito sa Pilipinas sa larangan ng kagandahan ng kalikasan.
BUOD NG KASAYSAYAN NG 'JUAN TAMAD'
Bunga ng malaking pagkakautang ni Juan Tamad ay napilitang kumandidato sa pagka-representante dahil sa mahigpit na kahilingan ng kanyang mga pinagkakautangan. Bagama't nag-aalinlangan, sinimulan ni Juan ang kampanya.
Bagama't isang baguhan sa larangan ng pulitika, si Juan Tamad ay nakarating sa Kongreso, at tinalo niya ang kanyang mga kalabang pawang mga batikan na sa larangan ng pulitika. Sa kongreso ay natuklasan niya ang maraming "kakuwanan" ukol sa buhay ng isang kongresista na pawang natatamasa dahil s bisang tinataglay ng kanyang tungkulin.
Pagkaraan ng apat na taon ay umunlad ng malaki ang kabuhayan ni Juan subali't wala siyang nagawang anuman para sa kanyang mga kababayan. Ninais niyang mahalal na muli kaya nagbalik siya sa kanyang kinakatawang "distrito". Subali't nang dumating siya roon ay sinalubong siya ng galit na galit na mamamayan. Pinagbabato at sinaktan siya.
Ang kasaysayan ay nagwawakas sa pamamagitan ng isang kapuri-puring katapusan nang si Juan Tamad ay magparinig ng makabagbag-damdaming talumpati na siyang kalatas na tinataglay ng buong pelikula.
* * * * * *
No comments:
Post a Comment