Click on images to enlarge
* * * * * *
MAÑANITA
...ang mga huling sandali ni Tessie Quintana
at ang isang awit sa Cursillo na mahal niya...
ni Romy Galang
FEBRERO 25, ala-una ng tanghali. Sa isang silid ng St. Martin de Porres Ward ng Manila Medical Center ay nasa loob ng oxygen tent si Tessie Quintana. Hirap na hirap siya sa paghinga. Ikasampung araw na niya iyon sa ospital.
Kumilos ang nagbabantay na doktor. Inalis ang oxygen tent at oxygen mask ang ipinalit. Itinakip iyon sa ilong at bibig ni Tessie. Lumuwag ang paghinga niya. Idinilat ang mga mata at isa-isang pinagmasdan ang mukha ng mga nasa silid. Naroon ang kanyang tatlong anak na sina Freddie, Albert at Mylene. Naroon ang kanyang dalawang kapatid na babae. Naroon ang kanyang kabiyak na si Johnny Reyes. Naroon din ang mga narses. Naroon din si . . .
Dahan-dahang inalis ni Tessie ang maskara ng hanging tumatakip sa kanyang ilog at bibig.
"Nasaan ang Mama?" tanong ni Tessie kay Rebecca.
"Umuwi siya upang matulog. Ilang gabi na siyang puyat sa pagbabantay sa iyo," tugon ni Becky.
"Ipasundo mo siya . . . baka hindi na niya ako abutan," hiling ni Tessie.
Lumapit kay Tessie ang doktor at akmang ikakabit na muli ang maskara ng hangin.
Hinawakan ng pasyente ang kamay ng manggagamot. Umiling at sinabing hindi na niya kailangan iyon. Hindi nagpilit ang doktor. Kilala niya ang ugali ng kanyang pasyente. Mahirap suwayin ang kagustuhan niyon.
Bumaling na muli si Tessie kay Becky. Nanghingi ng isang sigarilyo at isang boteng serbesa.
"Makasasama sa iyo ang magsigarilyo at uminom," tutol ng doktor.
Ngumiti si Tessie. "Doktor, kung ako ba'y hindi manigarilyo at uminom ng serbesa ay hahaba pa ang aking buhay?"
"Hindi, pero hindi ka naman mahihirapang huminga," sagot ng doktor.
Tinipon ni Tessie ang nalalabi pa niyang lakas at dahan-dahang umusad na pasandig sa kama. Akmang tutulungan siya ni Becky pero tumanggi siya. Kaya raw niya ang kanyang katawan. Inilibot niya ang kanyang paningin na tila namamaalam sa mga nasa loob ng silid.
Ilang araw bago dinala sa ospital si Tessie ay naglibot siya sa set ng mga ginagawang pelikula ng kanyang mga kaibigang artista at direktor.
Noong unang linggo ng Pebrero ay dumalaw siya sa set ng "Dolpe de Gulat" sa La Mesa Dam. Masaya siyang nakipagkuwentuhan kina Dolphy, Direktor Chat Gallardo, Pilar Pilapil, Max Alvarado, Katy de la Cruz at iba pang artista.
Dinalaw rin ni Tessie ang set ng "Kumander Balisong" na sa La Mesa Dam din ang siyuting. Kalahating oras siyang nakipagbiruan kina Eddie Fernandez, Paquito Diaz, Von Serna, Direktor Armando Garces at iba pa.
Nagtungo rin si Tessie sa Premiere-People's Studio s Caloocan. Matagal siyang naging bituin ng maraming pelikula ng dalawang kompanya. Ito ang naging pangalawa niyang niyang estudyo. Ang una ay ang LVN Pictures na siyang nagbigay sa kanya ng pagkakataong maging bituin at reyna ng pelikula, tulad ng pagiging reyna ngayon nina Susan Roces at Amalia Fuentes. Lalong nagningning si Tessie bilang bituin nang siya ang mapili ng FAMAS bilang pinakamahusay na bituing babae ng taong 1961 dahil s pagkaganap niya sa "Alaala Kita."
Ang karera ni Tessie sa tanghalan at pelikula ay isa na sa pinakamahaba. Wala pa siyang sampung taong gulang noong 1942 nang sumikat siya bilang batang mang-aawit sa Cine Palace (sa kinalalagyan ngayon ng Palace Theater). Isa pang batang artista ang malimit niyang makatambal: si Berting Labra. Bituin na rin noon sa tanghalan si Johnny Reyes samantalang si Efren ay telonero pa.
Maraming kapwa-artistang dapat pagpaalaman si Tessie. Bago siya pumasok s ospital ay alam na niyang hindi na gaanong tatagal ang kanyang buhay. Katunayan, maraming buwan nang lumampas ang taning sa kanya ng mga espesyalista sa kanser. Ang kulang sa kanya ay ang panahon upang mapuntahan silang lahat.
Nang nasa ospital na si Tessie, ipinagbilin niya sa kanyang ina, mga kapatid at mga narses na papasukin kaagad sa kanyang silid ang sinumang artistang nais dumalaw sa kanya. Kung sakaling magkataong siya'y natutulog, ipinamanhik niyang gisingin siya upang makausap ang mga dumadalaw. Nasunod naman ang kanyang kahilingan. Maraming artistang dumalaw kay Tessie sa pagamutan. Maging ang mga dati niyang tagahanga ay dumalaw rin.
Nagpasindi ng isang sigarilyo si Tessie. Hinitit niya iyon nang buong-kasiyahan. Hiniling niyang buksan ang malamig na bote ng serbesa. Tumalima naman si Becky. Parang uhaw na uhaw na nilagok ni Tessie ang serbesa. Napailing na lamang ang doktor.
"Ngayong ako'y nakapanigarilyo na at nakainom ng serbesa, gusto kong magbilin sa aking mga anak," mahina na ang tinig ni Tessie.
Lumapit sa kama ang kanyang tatlong anak. Ang bunsong si Mylene ay iniupo sa kama. Hinimas-himas ni Tessie ang buhok ng bata.
"Freddie, ikaw ang panganay. Sa iyo ko ipinagbibilin sina Albert at Mylene. Pakatandaan mo ito: kahit na ano ang mangyari ay huwag kayong maghihiwa-hiwalay. Magsama-sama kayong tatlo. Ipangako mo, Freddie. At kayo naman, Albert at Mylene, huwag ninyong iiwan ang Kuya Freddie ninyo. Susundin ninyo siya," bilin ni Tessie sa mga anak.
Hindi ito ang unang pagkakataong hiniling ni Tessie sa kanyang mga anak na manatiling magkakasama. Sinabi na niya ito noon pa mang hindi siya napapasok sa ospital.
"Ipinangangako ko, Mama," gumagaralgal ang tinig ni Freddie.
Si Freddie ay natanggap kamakailan bilang kawani ng Philippine Air Lines. Kumuha na siya ng isang apartment na magiging tahanan nilang magkakapatid. Ang makakasama nila ay dalawang katulong na matagal na nilang kasama sa bahay.
Pagkatapos magbilin sa kanyang mga anak hiniling ni Tessie sa mga mahal sa buhay na nasa loob ng silid na sabayan siya sa pagdarasal ng rosaryo. Siya ang namuno.
Hindi napigilan ng mga nasa loob ng silid ang pagluha.
"Bakit kayo umiiyak? Ako ay masayang-masaya sapagka't alam kong malapit ko nang makaharap ang Panginoon. Hindi ba dapat ipagsaya iyan? Natutuhan ko sa Cursillo na ang pagkamatay ng isang tao ay nangangahulugan lamang ng pagtungo niya sa kabilang buhay," paliwanag ni Tessie.
Noong nakaraang taon, nang malaman naming malala na ang karamdaman ni Tessie, nagtungo kami ni Direktor Armando Garces sa kanyang inuupahang apartment sa Sta. Mesa. Ibinalita namin kay Tessie na kami ni Manding ay kapwa Cursillista at tutulungan namin siya anumang oras na naisin niyang mag-Cursillo.
"Alam ninyo, simula nang ako'y magkasakit ay naging relihiyosa na ako. Dinalasan ko ang pagsisimba, pagnonobena, pagkukumpisal at pakikinabang. Sa palagay ko'y malapit na malapit na ako ngayon sa Diyos. Ipaaalam ko na lang sa inyo kung ako'y handa nang mag-Cursillo," paliwanag ni Tessie.
Ilang linggo pagkatapos ng pagdalaw naming iyon ay nag-Cursillo si Tessie sa Lipa City. Masayang-masaya siya nang lumabas sa Cursillo House.
"Gayon pala kasaya ang Cursillo. Akala ko'y puro dasal. Ang harana kanginang madaling-araw at ang awiting "Mananita" ay hindi ko makakalimutan habang ako'y nabubuhay," wika pa niya. "Biro mo, kung saan-saang malalayong lugar pa nanggaling ang daan-daang nangharana sa amin."
Ganyan din kahalaga sa maraming Cursillista ang "Mananita." Pangalawa lamang ito sa popularidad. Ang una ay ang "De Colores."
"Kung sinuman sa inyo ang gustong umiyak, maaari bang lumabas? Ayaw kong pabaunan ninyo ako ng luha sa aking pagpanaw," pamanhik ni Tessie sa mga nasa silid.
Nagpahid ng luha ang mga mahal sa buhay ni Tessie. Pinigil nila ang pag-iyak at pinilit ngumiti.
"Ganyan ang gusto ko," nasisiyahang wika ni Tessie.
Hinuni-huni ni Tessie ang himig ng "Mananita". Kapagkuwa'y inusal ang mga titik...
"How beautiful is the morning
as we come and waken you
with God's early morning blessing
with pleasure we sing to you ..."
Tumigil sa pag-awit si Tessie. Hirap na hirap siya sa paghinga. Hinimas niya ang nagsisikip na dibdib. Lumapit sa kama ang mga mahal niya. Isa-isa silang pinagmasdan ni Tessie. Pagkatapos ay ipinikit ang mga mata.
"My Jesus, mercy . . . my Jesus, mercy . . . Jesus . . ." usal ni Tessie na tutop ang dibdib.
Ganap na ala-1:40 ng hapon, Pebrero 25, nang bumalik si Tessie sa sinapupunan ni Bathala. Pumanaw siya sa gulang na 37.
Dalawang gabing pinaglamayan ang labi ni Tessie sa simbahan ng Mount Carmel sa Quezon City. Libu-libong tagahanga at mga kapwa-artista ang nagbigay-galang sa kanyang bangkay. Punung-puno ng mga bulaklak ang santuwaryo.
Tanghaling-tapat noong nakaraang Huwebes, Pebrero 27, nang ilagak ang katawang-lupa ni Tessie sa isang libingan sa Loyola Memorial Park. Hindi napigilan ng kanyang mga mahal sa buhay ang pagluha samantalang ipinapasok sa nitso ang kabaong at tinutugtog ang "Mananita."
"Bakit kayo umiiyak? Hindi ba ang sabi ng Mama huwag tayong iiyak? usisa ni Mylene sa mga nakapaligid sa kanya.
Lalong bumalong ang luha sa mga mata ng mga nakapaligid sa bunsong anak ni Tessie.
* * * * * *
Sinulat ni Romy Galang
Pilipino Magazine, March 12, 1969