Wednesday, November 26, 2008

JOSE MARI

NOSTALGIA 9:
HANDSOME AND TALENTED JOSE MARI

By Ely S. Sablan

Source: Jingle Extra Hot Movie Entertainment Magazine
No. 115,
April 14, 1983



Isang bituing gumawa ng malaking pangalan sa pelikulang Tagalog. Kinilala at sinamba ng kaniyang mga tagahanga, naging bukambibig ang kaniyang pangalan sa balana noong kanyang kasikatan. Si Jose Mari ay malimit ding maging paksa ng usapan at pagtatalo ng mga kapwa teenager niya noon. Palibhasa’y pogi, bukod pa sa magaling kumanta’t sumayaw, at talagang may ibubuga sa acting, marami ang kinikilig sa paghanga sa kanya.

Madalas silang magkapareha noon ni Liberty Ilagan sa Sampaguita kaya tuloy hindi maiwasan na sila ay tuksuhin tuwina ng kanilang mga kaibigan at tagahanga.

Tandang-tanda ko pa ang ginawa ni Jose Mari noong 1958, ang pelikulang Palaboy at kasama niya ang pinakamainit na tambalan noon sa Sampaguita na sina Gloria Romero at Luis Gonzales. Sinundan kaagad ito ng Handsome at dito ay nakapareha niya ang magandang si Susan Roces. Hanggang sa gawin naman niya ang Baby Face na itinambal naman siya ni Doc Perez sa isa pa ring kinikilalang Reyna ng mga panahong iyon na si Amalia Fuentes. Ang tatlong pelikulang ito ay ginawa ng Sampaguita noong early 1959 to 1960.



Sumikat na nga ng husto ang Jose Mari noon kaya halos tuwing gagawa ng pelikula ang naturang kompanya ay hindi nawawala sa kanilang line-up si Jose Mari bilang isa sa mga pangunahing tauhan.

Ginawa pa ni Jose Mari ang isang pelikulang kung saan halos maluka-luka ang kanyang mga tagahanga lalo na nang mabasa nilang muling makakasama ng kanilang idolo ang dalawang reynang sina Amalia Fuentes at Susan Roces sa pelikulang Amaliang Mali-Mali vs. Susanang Daldal. Si Jose Mari ang kapareha rito ni Amalia at si Eddie Gutierrez naman ang kay Susan Roces. Sumabog nang husto sa takilya ang pelikulang ito, walang eksaherasyon, pinilahan talaga sa takilya.

Tuwing sumasapit ang Araw ng mga Puso ay may isang pelikulang inihahanda ang Sampaguita noon kung saan madalas ay pinagsasama-sama ni Doc Perez ang kanyang mga bigating artista. Isa sa mga pelikulang naging Valentine’s presentation ng Sampaguita ay ang Sweet Valentine. All-star cast ito at may pitong episodes. Bawat istorya ay may kanya-kanyang theme song.

First story ay ang Too Young starring Juvy Cachola and Bert Leroy, Jr. Second story ang When You Wish Upon a Star with Pepito Rodriguez and Blanca Gomez. Drama ito at ditto ay cancer victim si Blanca at wanted naman si Pepito. Sinner or Saint ang third story with Rosemarie Sonora and Dindo Fernando who played the role of a pickpocket being reformed by Rosemarie. Sa 4th story, ang song ay nakalimutan ko pero ang star ditto ay sina Jean Lopez at Lito Legaspi. Ang fifth story naman ay ang Prisoner of Love. Drama naman ito at tinampukan ng yumaong Tito Galla as a fugitive who went to a barrio and met Josephine Estrada. Ang pang-anim na istorya ay ang Secret Love – isang comedy at starring sina Jose Mari as the seƱorito and Liberty Ilagan as the tsimay.

Ang seventh story naman ay Some Enchanted Evening at sina Susan Roces at Eddie Gutierrez ang mga bida rito na ang istorya ay isang romantic comedy.

Maraming mga artistang lalaki ang inalagaan ng Sampaguita noon at isa nga si Jose Mari sa mga ito na binigyan ng napakagandang break ng Sampaguita.

Sa kasalukuyan, may malaking negosyong pinagkakaabalahan si Jose Mari at ito ay ang kanyang sariling recording studio, ang Cinema Audio. Matagal-tagal na rin naming kumikita ito nang malaki, kaya kahit hindi na siya tumanggap ng offer sa pelikula, maituturing rin nating nasa showbiz pa rin siya.

Sana ay tularan ng mga kabataang bituin ngayon ang ipinakitang katalinuhan ni Jose Mari nang sa ganoon ay may marating din sila kapag tumigil na sila sa pag-aartista.. Malay ninyo, makapagtayo rin kayo ng isang malaking recording studio balang-araw, hindi kayo iismolin ng kapwa artista ninyo na hindi nag-impok ng mga kinita nila noong kanilang kasikatan sa pelikula. May prinsipyo si Jose Mari na mas magandang magtayo ng negosyo dito sa Pilipinas kaysa makipagsapalaran nang hindi nakatitiyak sa ibang bansa.

Sana ay gumawa ng pelikula si Jose Mari na ang kanyang magiging anak sa pelikula ay ang magandang anak ni Amalia Fuentes na si Liezl o dili kaya ay si Kristine Garcia – kasi ay parehong mestisa ang dalawang batang ito. Okey rin sina Snooky, Sharon Cuneta, Maricel Soriano, Jackie-Lou Blanco at Janice de Belen, kaya lang, mas bagay sina Liezl at Kristine Garcia. Mas okey, hindi ba?

Minsan ay nakita ko sa Viva office si Jose Mari. Nagulat ako sa kanya dahilan sa ubod pa rin siya ng pogi, hindi pa rin kumukupas ang kanyang kapogihang taglay, ang lakas-lakas pa rin ng kanyang sex appeal. Napahinto tuloy ako nang siya ay bumaba sa kanyang magarang kotse. Wow, talaga naming nakapanggigigil pa rin ang kanyang mukha lalo pa nga’t mahaba ngayon ang kanyang bigote at balbas. Mas lalong lumutang ang kanyang pagka-mestiso.

Ewan ko lang kung sa Viva Films siya nagtungo o sa itaas ng Triumph Building. Ang akala ko nga ay gagawa na siya ng pelikula sa Viva. Yun pala ay may nilakad lang siya sa naturang building.

Hindi naman sa pinanghihimasukan ko ang katayuan ni Jose Mari sa pag-aartista niyang muli, kaya lang, nanghihinayang akong talaga na basta-basta na lang mawawala ang katulad niya, isa sa mga idolo ko noong araw. Tingnan na lang ninyo ang larawan ni Jose Mari ditto. Itsura ng mga kabataang bituing lalaki nating ngayon. Walang-wala sila sa porma, di ba?

Siguro, kung papayag lang na gumanap na asawa ni Jose Mari ang dati niyang ka-loveteam na si Susan Roces, patuk na patok ito sa takilya. Sila yatang dalawa ang isa sa pinakamainit na tambalan noon. Oo nga’t nakapareha rin ni Jose Mari sina Amalia Fuentes, Liberty Ilagan, Josephine Estrada at iba pa, pero mas madalas na sila ni Susan Roces ang nagtatambal.

Marahil, kapag pumayag si FPJ na magkapareha muli sina Susan Roces at Jose Mari sa pelikula ay wala nang dapat ipagtaka ang lahat kung sakaling pumatok ito sa takilya. Malay natin, baka biglang makaisip ang MVP Pictures, ang dating Sampaguita, na kunin ang dalawa para lumabas sa pelikula nila. Siguro hindi makatatanggi sina Susan Roces at Jose Mari dahilan sa ang kompanyang ito ang gumawa ng kanilang pinakakaingat-ingatang pangalan.

* * * * * *
















Thanks to Simon Santos of video48.blogspot.com for the movie ads.


* * * * *

No comments: