Tuesday, November 18, 2008

ROMEO AND AMALIA

NOSTALGIA 3:
BALIKAN NATIN ANG NAKARAAN SA BUHAY
NINA AMALIA AT ROMEO

By Ely S. Sablan

Source: Jingle Extra Hot Movie Entertainment Magazine, 1983

Ang pag-ibig, kapag pumasok sa puso ninuman, hahamakin ang lahat masunod ka lamang.

Ito sa tuwina ang mga katagang palaging sinasambit ng mga taong nagmamahalan. Mga nilalang na napana ni Kupido ang mga puso na kapag iyong hinadlangan ang kanilang pag-iibigan ay pilit na maghuhumiyaw – sa ngalan ng pag-ibig. Ito ang mga naganap sa bubuksan kong nakaraan sa buhay nina Amalia Fuentes at Romeo Vasquez.

Noong kapanahunan nina Bobby at Nena sa Sampaguita, marami sa kasamahan nila rito ang kinaiinggitan ang kanilang pag-iibigan at pagtatambal sa pelikula. Kakaiba raw kasi ang pagtitinginang namagitan sa dalawa. Hindi raw tulad nang ibang artista sa naturang kompanya na palaging may awayan at tampuhan na kung minsan ay nadadamay tuloy ang kanilang mga schedule sa shooting. Dahil nga sa galit-bati, ang iba ay hindi pumupunta sa set at ang iba naman ay naroon nga, subalit wala naming kibuan.

Ang namagitan na pagmamahalan kina Bobby at Nena ay daig ang dalawang lovebirds sa kanilang tamis ng pag-iibigan. Very romantic sila at talagang may tatak sa publiko ang kanilang relasyon.

Sinasabi nilang si Romeo Vasquez ay isa sa maituturing na may pinakaguwapong mukha noong kaniyang kabataan. At si Amalia Fuentes naman ang may pinakamagandang mukha sa hanay ng kababaihan.

Ikaw ay Akin ang unang pinagtambalang pelikula nina Amalia at Romeo sa labas ng Sampaguita at ayon sa aming balita, dito dinimanda ni Doctor Jose Perez si Amalia dahil sa paglabag ng huli sa nilagdaan niyang kontrata. At ang production na nag-produce nito ay ang RA Movie Fans Productions na sila Amalia at Romeo rin ang nag-produce.

Bagama’t sinasabi ng mga taga-labas ng naturang production na ang Sampaguita ang isa sa mga kompanyang kapag nagkamali ang kanilang artista kahit minsan lang ay gumagawa kaagad ng hakbang laban dito, ito naman ay nakahandang makipag-areglo dahil naniniwala ito na ang lahat ng gusot at hindi pagkakaintindihan ay napag-uusapan naman.

Naging matagumpay ang pagiging magkapareha nina Bobby at Nena simula nang mag-hit ang unang pelikulang pinagtambalan nila. Nasundan kaagad ito ng napakaraming pelikula sa labas ng Sampaguita tulad halimbawa ng Anna Lizza, Kulay Dugo ang Gabi, Ibulong Mo sa Hangin, Anino ni Sisa, Sa Ating Muling Pagkikita, Wedding Bells at marami pang iba na halos lahat ay nag-hit.

Marami ang nagsasabi na may pagka-suplada si Amalia noong kabataan nito sa Sampaguita. Subalit ayon na rin sa mga sinabi ni Nena, inilalagay naman niya sa lugar ang kanyang pagsusuplada.

Bagama’t sina Amalia at Juancho Gutierrez ang tinaguriang Mr. and Miss Number One noong kanilang kasikatan, hindi rin naman nagpatalo sa pagiging popular ang kaguwapuhan ni Bobby Vasquez. Isa siya sa pinagkakaguluhan ng maraming teenagers noon.

Ganoon din si Amalia. Napakaganda niya at talagang pinuputakti siya ng balana. Itsura nina Snooky, Sharon Cuneta at Maricel kung siya ay pagkaguluhan noon.

Ang artistang naging mahigpit na kalaban ni Amalia ay si Susan Roces. Kapag may pelikulang ginagawa si Amalia noon, mayroon ding katapat na pelikulang ginagawa si Susan. Kapag may showing na pelikula si Amalia, tinatapatan din ni Doc Perez ito ng pelikula ni Swanie. Ganoon kahigpit ang labanan ng dalawa noong araw – sabi ng aking napaka-authoritative na resource person na walang iba kundi si Mama Monchang.

Nagkaroon din ng pelikulang magkasama sina Susan at Amalia sa bakuran ng Sampaguita. Ito ay ang Tulisan na kumita ng husto sa takilya. Ito ang pelikulang pinag-usapan talaga sa showbiz noong mga panahong iyon.

Sa isang iglap ay nabago ang mga pangyayari. Bigla na lamang sumabog ang balitang nagtanan – nagpakasal sina Bobby at Nena sa Hongkong. Parang bomba itong pumutok sa larangan ng showbiz at halos lahat na yata ng magazines at diario ay na-headline ang pag-aasawa ng isa sa pinakatanyag na loveteams noon sa pelikulang Tagalog. Dahil doon, nagkaroon tuloy sila ng isang pelikula na ang titulo ay Honeymoon.

Maraming artista ang nagkapangalan at naging superstar sa Sampaguita noon. Ilan sa mga naging kalaban ni Amalia sa hanay ng kababaihan ay sina Susan Roces, Daisy Romualdez, Nori Dalisay, Jean Lopez, tessie Agana at iba pa.

Sa hanay naman ng kalalakihan ay naging mahigpit na katunggali ni Romeo Vasquez noon sina Jose Mari, Eddie Gutierrez, Tito Galla, Tony Marzan, Vic Vargas.

Isa pa sa umuusok na balita sa showbiz noon ay ang pagsisilang ni Amalia ng kanilang anak ni Bobby na si Anna Lizza na ngayon ay isa nang ganap na teenager na ubod ng ganda at talino. Matapos ang mahabang panahon ng pagsasama nina Nena at Bobby, nagkahiwalay na sila ng landas at nagkanya-kanya na sila ng pamumuhay.

Si Amalia ay nag-produce na lang ng maraming pelikula at si Bobby naman ay tumulak sa USA para doon na muna mamuhay ng tahimik.

Pagkatapos maghiwalay sina Amalia at Romeo, maraming nangyaring intriga. Isa nga rito yung may love si Bobby sa abroad kaya hindi na niya naalala ang dalawang mahal niya sa buhay. Subalit ang katotohanan noon ay wala naman talaga. Dib a pagkatapos ng ilang panahon ay nagkita rin sila Romeo, Amaliaat Liezl?

Sana, sa darating na mga araw ay muling magtambal sa pelikula sina Romeo at Amalia at tuloy makasama nila ang kanilang nag-iisang anak na si Anna Lizza. Kayo, hindi ba umaasa rin?

* * * * * *









Thanks to Simon Santos of video48.blogspot.com for the movie ads.

* * * * * *


1 comment:

Anonymous said...

where is bobby vasquez now?