Wednesday, February 11, 2015

ARURAY: LUWALHATI NG TANGHALAN (Sinagtala, Enero 27, 1949)

Click on images to enlarge




PAKIKIPANAYAM SA MGA ARTISTA
Ni Edita Tolentino
(Sinagtala, Enero 27, 1949)

ARURAY:  LUWALHATI NG TANGHALAN

NANG itanghal ang pelikulang IKAW NA sa isang tanyag na dulaan sa purok ng Kiyapo ay isang bagong mukha ang napansin kong nakaakit sa paghanga ng maraming nakapanood.  Ang bagong mukhang iyon ay hindi maganda, nguni’t hindi naman pangit upang iwasan ng maraming paningin.  Ang bagong tuklas na iyon ay hindi bida at ni hindi rin kontra-bida, subali’t nakalulugod ang bawa’t kilos at nakatutuwa ang bawa’t kahulugan ng mga pangungusap.

-- Siya si Coring Cruz, -- bulong sa akin ng aking kasama, -- iyan ang bagong mapagpatawang artista ng Palaris Films.

-- Matagal na ba siyang lumalabas? – naitanong ko sa aking kausap.  – Kung wariin ko’y isa na siyang bihasang bituin sa aninong gumagalaw.

-- Sa putintabing ay ngayon pa lamang, -- tugon naman ng aking kasama, -- nguni’t sa tanghalan ay nakilala siya mula pa noong panahon ng mga hapones.

--  At siya’y natuklasang isang bagong ambag sa sining sa panahon ng pananakop?  -- turing ko na ibig kong ipahiwatig na may hindi pangkaraniwang bagay na nagawa ang pananakop sa atin ng mga hapones.

-- Oo.  Ang komikong iyan ay dating nag-aral sa isang kolehiyo ng madre ditto sa Maynila, -- pagtatapat sa akin ng aking kausap at ang naging sanhi nang pagkatigil niya sa pag-aaral ay ang digmaan.

-- Ang ibig ninyong sabihin ay nag-aral siya ng pagbabanal? – panabik kong tugon na patanong sa kanya.

-- Maaaring gayon na nga ang kahulugan, subali’t ang panahon kung minsan ay siyang nagiging taga-hatid sa hinaharap ng isang balita.  At sino ang mag-aakala na ang isang nag-aral sa kolehiyong aking binanggit ay diyan hahantong gayong batid natin na walang ibang itinuturo sa  naturang paaralan kundi ang pananampalataya sa Diyos, bukod ang mga dapat gawin ng isang nag-aaral sa anumang uri ng paaralang pambayan.

Si Coring Cruz ay tapos sa haiskul, nguni’t nasa paaralan man siya ng mga madre ay talagang may hilig na siya sa paglabas sa mga tanghalan.

-- Kasiyahan ng aking sarili ang makapagdulot ng kaligayahan sa aking kapuwa – naipagtapat sa amin ni Coring, -- kaya ang tuntunin kong iyan ay ipagpapatuloy ko hanggang nakapagpapatawa ako sa aking mga taga-hanga.

Tapat sa kanyang paninindigan, si Coring Cruz ay wala nang ibang sinisikhay ngayon kundi ang mga bagong pamamaraan sa pagpapatawa, isang tungkuling sa panahon ng kanyang pag-aaral ay hindi lamang sumagi sa kanyang isipan.  Dati, siya ay isa lamang mang-aawit at mananayaw sa tanghalan (kurista) at ang panimula niyang iyon, na itinuring niyang isang magandang simula, ay utang niya kay director Ramon Estella na noon ay siyang namamahala sa pagpapalabas ng stage show sa dulaang Lyric, bagaman ang naging matatag niyang tulay ay si Quiel Segovia.

Kung saan siya nakitang sumayaw at kung paano nagsimula ang pagkikilala nila ni Quiel ay hindi niya magunita pa, nguni’t iyon, para sa kanya ay siyang nagbukas sa kanya ng landas upang matuluyan nang lumabas hindi lamang sa tanghalan, kundi pati na sa pelikula at radio.  Kung bakit siya binansagan ng Aruray ay isang lihim na para sa kanya ay hindi niya mawari ang kahulugan, bagaman at nakikita niya ang matamis na bunga ng itinawag na ito sa kanya.  Nagsimulang bumango ang pangalan ni Aruray nang siya’y mapabilang na bituin sa radio.  Kung minsan ay nakakatambal niya si Dorong Mata, nguni’t ngayon ay si Fara ang lagi niyang kasama sa ilalim ng pangkat ng Sampaguita Radio Stars ni Luz Mat Castro.

Kaiba sa lahat ng artistang nagpapatawa, si Aruray ay lumalabas din ng papel sa katulad ng papel na ginagampanan niya ngayon – madalas ay nagsasayaw at umaawit.

Maituturing na isa na namang ambag ng lalawigan ng Laguna sa larangan ng sining ang pagkakatuklas na ito kay Aruray, bagaman katotohanan na marami na ring maipagmamalaki ang Laguna sa larangan ng arte.  Si Aruray na sa tunay na pangalan ay Socorro de la Cruz ay isinilang sa bayan ng Kalamba noon ika-18 ng Hulyo, 1922, nguni’t lumaki siya sa Intramuros, Maynila.

Ang kanyang mga magulang, sina Braulio de la Cruz at Eusebia Diaz ay talagang may ibang pangarap ukol sa kanilang anak, subali’t ang hangarin nilang iyon ay kanila nang linimot pagkaraang makilala na iba ang hilig nito kaysa talagang nilulunggati nila.

-- Ibig ho sana namin ay magpatuloy siya sa pag-aaral hanggang hindi niya natatamo ang una niyang pinapangarap na karera, -- naipagtapat sa amin ng kanyang ina, -- subali’t ang nakaraang digmaan ay malaking bagay ang nagawa upang hindi na maipagpatuloy ang pangarap naming iyon.  Bukod sa wala na kaming lakas upang maisakatuparan ang bagay na iyon ay nakilala namin na ang hilig ni Coring ay nasa pag-aartista.

Kung paano siya naging komiko ay isang bagay na sino man sa kanila ay walang makapagpaliwanag, bagaman at ipinalalagay ng marami na sadyang ipinanganak na artista ang bantog na mapagpatawang ito.

-- Sa simula ay nakahumalingan ko lamang ang panonood ng mga pelikulang nilalabasan ni Betty Hauton at Bob Hope, -- naipagtapat sa amin ni Aruray, -- subali’t hindi ko malaman kung bakit mula noon ay naganyak akong sumunod sa landas na kanilang nilalakaran.

-- Malimit, alinsunod na rin sa mga malapit na kaibigan ni Aruray, na ang artistang ito ngayon, simula nang kabaliwan niyang panonoorin ang dalawang bantog na mapagpatawa sa buong daigdig, ay napansin nilang may mga pagkakataon na magsalita lamang si Aruray ay hindi nila matimpi ang pagtawa.  Kaya, ang mga pangyayaring iyon ay ipinalalagay na isang landas na binuksan para sa kanya upang ang kanyang katutubong katangian sa pagpapatawa ay pakinabangan hindi lamang niya, kundi ng sambayanan na nangangailangan ng mga nilikhang katulad niya.

-- Kuruin ninyong nagka-isip siya sa loob ng kolehiyo ng isang pagbabanal, -- naipagtapat sa amin ng kanyang ina, -- ay sa pagpapatawa siya nabubuhay ngayon, gayong sa loob ng paaralang iyon ay wala namang mga katatawanang dapat niyang pamarisan.  At kung bakit ang aming anak ay dito nagsimulang mailabas ang galing ni Aruray sa mga salitang nakatatawa nang mahumaling siya sa pagbabasa ng mga babasahing banyaga ukol sa pagpapatawa, bagaman malaki rin ang kanyang pakinabang sa panonood ng mga pelikula ni Betty Hauton at Bob Hope.

-- Sa isang tindahan ng mga aklat ay inaabot ako nang matagal sa paghahanap ng mga comic strip, -- nasabi sa akin ni Aruray, -- at kapag wala akong makita ng aking hinahanap ay gagaygayin ko ang kahabaan ng lansangan sa paghahanap ng mga babasahing iyan.  Sa palagay ko ba ay gusto ko pa ang magbasa ng mga babasahing nakatatawa kaysa anumang libangan na ihahandog sa akin.

Sa mabilis na paglilimi ay maituturing natin na ang ginawa niyang iyon ay hindi lamang niya pinakikinabangan kundi nakapagdudulot pa sa atin ng isang kasiyahang panlunas sa ating dinaranas na pamimighati.

-- Ang hirap ng aking tungkulin ay naranasan ko nang bawian ng buhay ang aking mahal na ama, -- pagtatapat niya sa amin na sa mata ay nakalarawan ang malabis na pamamanglaw.  Hamakin ninyo na sumasayaw pa ako, tumatawa at umaawit sa ibabaw ng tanghalan upang madulutan lamang ng kasiyahan ang aking mga taga-hanga, samantalang luksang-luksa ang aking puso?

Kagaya ng maraming artistang mapagpatawa, ang pagkakaroon nila ng panahong pinakamapait sa kanilang buhay ay hindi rin nabakang sumapit sa buhay ni Aruray.  At kagaya rin ng mga komikong ito, ang tungkulin niya sa bayan ay hindi niya natanggihang hindi ipamalas sa panahon nang kanyang pagluluksa.

-- Matatanggihan ko pa ba na suwayin ang inaadhika ng aking puso? – turing pa niya sa amin.  – Tulad ng mga manggagamot na nanunumpa sa pamahalaan na maglilingkod sila nang buong kabanalan sa pagliligtas sa buhay ng mga nagkakaramdam, ang aming tungkuling ay hindi rin namin maaaring talikuran.  Kami man ay doktor rin ng mga taong nagtataglay ng mga dalamhati sa buhay.

Naipahiwatig niya sa amin na kung ang mga manggagamot ay nag-aaral at nag-aaral ng karunungan sa pagtuklas sa lunas sa mga karamdaman ng tao, sila mang mga komiko ay nag-aaral din ng mga pamamaraan kung paanong mapatatawa nila ang mga taong nagtataglay ng kalungkutan sa buhay.

-- Kami man ay nararapat ding magpakadalubhasa sa kaalaman sa pagpapatawa, -- wika pa niya, -- at kapag kami ay hindi nag-aral at umasa na lamang sa kaunting nalalaman, ang pagtitiwala ng bayan sa amin ay magiging mabuway.

Sa mga pelikulang nilalabasan niya sa ilalim ng bandila ng Sampaguita Pictures, Inc. ay malapit nang mayari ang SA PILING MO, SIMPATIKA At PINAGHATING ISANG DADAANING PISO.  Hindi siya lumalagda sa kasunduan sa alinmang samahan sa pelikula upang mapatali sa mahabang panahon.

-- Ibig ko’y mabigyan ng katarungan ang panig naming dalawa, -- turing niya sa amin nang itanong kung siya’y may nilagdaang mahabang kasunduan sa Sampaguita Pictures, -- at mabigyan ng pagkakataon na kalimutan ang aking paglilingkod kung sakaling hindi nakasisiya sa kanila.  Patakaran ko na sa aking pagkita ng halaga ay mabigyan ng kasiyahan ang aking pinaglilingkuran, hindi ang aking sarili lamang.  Iyan ang sanhi kung bakit ibig kong hindi nakatali sa kanila, sapagka’t sa sandaling hindi na sila makakita ng magandang pakinabang sa aking paglilingkod ay may laya na silang kumuha ng iba sa mga susunod na pagkakataon.

Sa kasalukuyan, si Aruray, kasama ni Kanuto (Canupling) at Patsy ay naglilingkod sa Sine Star sa pangkat ni Zara, bukod pa sa kanyang pagsama sa palatuntunan ng Sampaguita Radio Stars ni Luz Mat Castro kung araw ng Huwebes sa himpilan ng DZRH sa palatuntunan ng Sampaguita Pictures, Inc.  At iyan marahil ang sanhi kung bakit baliw na baliw siya sa mga bulaklak ng Sampaguita.

Kagaya ng maraming bituin sa pelikula, tanghalan at radio, si Aruray ay magpapatuloy sa tungkulin niyang magpatawa sa kanyang mga tagahanga, sapagka’t iyan, para sa kanya, ay isang tungkuling tulad din naman ng mga umuugit sa bayan.

- WAKAS –

Source:  Sinagtala Magazine
                January 27, 1949

* * * * * * *

No comments: