Friday, May 9, 2014

ANG MGA NAKATUTUWANG ASAL NI NORA AUNOR (Pilipino Magazine, August 26, 1970)

Click on images to enlarge


 





* * * * * 


ANG MGA NAKATUTUWANG ASAL NI NORA AUNOR
ni RUSTUM G. QUINTON


HALOS ay hindi na mabilang ang mga artikulong tungkol sa batambatang superstar na si Nora Aunor.  Karamihan sa mga paksa ay tumatalakay sa masalimuot niyang buhay. . .sa kagila-gilalas niyang pagsikat sa larangan ng pelikula, musika at telebisyon . . . sa malapalasyo niyang tahanan sa White Plains na ngayon ay iniwan na niya . . . sa pambihirang pagdiriwang ng kanyang kaarawan . . . sa tampuhan nila ni Tirso Cruz III  . . . sa pagiging malapit niya kay Manny de Leon . . . sa manikang si Maria Leonora Teresa . .  at higit sa lahat, sa nagawa niyang mga pagkakamali.  Nitong nakaraang buwan naman ay naging bukambibig ang kanyang pagkademanda at ang kanyang paglalakbay sa Asya, pati ang pagkapanalo niya sa Awit Awards.  Kakaunti lamang ang nakasulat hinggil sa tunay niyang ugali at, kung mayroon man, nakakaligtaan nilang banggitin ang mga nakatutuwang asal ni Nora Aunor.

Kabilang ang inyong lingkod sa ilang mga movie scribes na unang nakadaupang-palad ni Nora Aunor noong siya’y baguhan pa lamang sa bakuran ng Sampaguita Pictures, noong panahong wala pang gasinong pumapansin sa kanya, noong siya’y isang karaniwang mukha pa lamang na naghahanap ng sariling pangalan sa daigdig ng aninong gumagalaw.

At sapagka’t nakapalagayang-loob nga naming ang munting bituin, marami kaming natuklasang mga asal ni Nora na lingid sa kaalaman ng iba – nakatutuwang mga asal na hanggang ngayon ay taglay pa rin niya sa kabila ng kanyang tagumpay bilang artista at mang-aawit.

Si Nora ay unang ipinakilala ni Dr. Jose P. Perez sa press nang ganapin ang pulong-pampahayagan ukol sa pelikulang “Way Out of the Country” noong 1967.  Nang tawagin ang kanyang pangalan upang humarap sa mga manunulat, atubili siya sa pagtayo na para bang takot na takot.  Nagtago pa siya sa likuran ni Doc Perez.  Nang siya’y papagsalitain, hindi niya malaman ang gagawin sa kanyang kamay.  Halatang kinakabahan siya.  Nahihiya.

“Just say a word of greeting, iha,” sabi sa kanya ni Doc.

Lumunok muna siya nang malalim bago nagsalita:  “M-magandang hapon po sa inyong lahat . . . M-marami pong salamat . . .”

Ito lamang ang mga katagang nulas sa kanyang mga labi.  Pagkatapos, kagat-kagat pa ang hintuturong naupo sa tabi ng kanyang Mamay Belen.  Nagsisiksik na para bang takot masilayan ng mga naroon.

Noon pa man, marami na kaming narinig na mga puna ukol sa kanya.

“Iyon pala ang Nora Aunor na champion ng Tawag ng Tanghalan.  Ang itim!” sabi ng isa.

“Ba’t kinuha naman iyan ni Doc?  Walang ka-appeal-appeal sa akin!” anang isa naman.

“Oo nga, hindi puwedeng bida iyan.  Bukod sa negra, bulilit pa!” salo naman ng isa.  “Pero, maganda talaga ang boses niyan.  Akala mo matured na kung kumanta.  Diyan siya mapakikinabangan!”

Nang matapos ang press conference, walang nagtangkang lumapit kay Nora upang kausapin o kaya’y kunan ng pictorial.  Abala ang mga reporters sa mga naroong sikat na mga bituin.  Nasa isang sulok lamang si Nora, katabi ang kanyang Mamay Belen.  Sa gayon, nilapitan namin si Nora.  (Ang “namin” ay kinabibilangan ng mga scribes na sina Eddie Campañer, Malu Tronqued, Mar d’Guzman Cruz, Eddie Padilla, Ricky Lo, Robert Carreon, Emil Tidalgo at ang inyong lingkod na bumubuo sa EMMERRERS, na kung minsan ay tinatagurian ding Snow White and the Seven Dwarfs.)  Nakiumpok na rin sa amin ang movie reporter na si Justo C. Justo.  Nabigla si Nora nang aming lapitan.  Paano nga’y isang katerba kaming sumagupa sa kanya.  Panay ang takip niya sa kanyang mukha kapag pinupuri namin siya tungkol sa mahusay niyang pag-awit.  Kung minsan naman ay nilalamukos niya ang laylayan ng kanyang damit, manapa’y upang mapaglabanan ang kanyang inferiority complex.

Sari-saring katanungan ang pinagtatanong namin sa kanya.  Ang ukol sa kanyang family background.  Ang kanyang pag-aaral.  Ang balak na pag-aampon sa kanya ni Timi Yuro.  At kung anu-ano pa.  Hindi tuloy niya malaman kung sino ang unang sasagutin.  At kung sumagot naman siya, iilang kataga lang na laging binubuntutan ng “po”.  Naisip tuloy naming talagang magalang itong bata.

May tumawag sa kanya.  Si German Moreno.  Kukunan daw ang buong cast ng group picture.  Kiming nagpaalam sa amin si Nora.  “Sandali lamang po.  Tinatawag po ako ni Mang German.”

Ang ikalawang pagkakataong nakita namin siya ay sa set na ng pelikulang ginagawa niya.  Nang mapansin kami ni Gng. Belen Aunor, binulungan niya si Nora.  Tinuro kami.  Sinalubong naman kami ng bata.  Binati kami ng isang mahina subali’t tapat sa pusong “Magandang gabi po sa inyong lahat.”

Sinabi namin sa kanyang may hawig siya kay Barbara Perez, lalo na sa retrato.  Itinakip niya sa mukha ang hawak na magasin.  “Hindi naman po.  Baka po magalit si Aling Barbara.  Kasi, hindi naman po ako magandang katulad niya.”

Mula noon, tuwing magkikita kami, hindi niya nakakaligtaang kami’y lapitan at batiin:  “Magandang gabi po, Mang Rustum . . . Magandang gabi po, Mang Eddie . . . “  Ganoon din kapag siya’y nagpapaalam:  “Aalis na po kami, Aling Malu . . .”

Ang pagtawag sa amin ng “Mang” ni Nora ay hinayaan na namin sa kanya, kahit nagmukha kaming matanda, sapagka’t batid naming iyon ay palatandaan lamang ng kanyang paggalang sa mga nakatatanda sa kanya.  Subali’t ang siste nito, nang muli kaming nagkita, hindi lamang pagbati ang ginawa niya, kundi nagmano pa ng kamay sa amin.  Mangyari pa, nabigla kami.  Hindi lamang miminsan niyang ginawa iyan kundi ilang ulit pa.  Tuloy, pabiro rin naming siyang bebendisyunan ng:  “Sana’y magtagumpay ka, Aling Nora, at matagpuan mo rin ang iyong Prince Charming.”  Kapag naririnig niya ito, hahagikgik siya ng tawa.  “Ayoko pa hong magkaroon ng boyfriend!”

Minsan, inabutan namin siyang kausap si Jose Yap, ang batang mang-aawit na naging kampeon din ng “Tawag ng Tanghalan.”  Tinukso namin siya.  “Sa wakas, natagpuan din ni Aling Nora ang kanyang dream boy.”

Namumulang isinubsob niya ang kanyang mukha sa dalawang palad.  “Hindi naman po.  Ke bata-bata pa ho namin upang magligawan.”  Ganito rin ang sinagot niya sa amin nang itukso namin sa kanya sina Danny Taguiam at Rico Lopez na nakapareha na rin niya.

Nang makatambal naman niya si Ace York sa “Nineteeners,” biniro naming siya ng:  “Ano ba naman, Nora, naghanap ka ng boyfriend, higante pa ang natagpuan mo!”  Paano, wala pa siyang limang talampakan samantalang si Ace ay limang talampakan at walong pulgada yata ang taas.

Nang makapareha naman niya si Tirso Cruz III sa “Young Love,” tinukso uli namin siya, “Hindi kayo bagay, kulay gatas si Tirso, ikaw naman ay tsokolate.”  Hindi siya nagalit sa amin.  Tatawa-tawa lang.  Hindi naman namin inaasahang ang pagtatambal pala nilang iyon ay simula ng magandang kapalaran para sa kanila.

Talagang bata pa nga si Nora noon sapagka’t madalas silang magtutuksuhan ni Tirso sa set.  Kapag hindi na niya kayang sumagot kay Tirso, magsusumbong sa amin.  “Ayan po si Tirso, tinutukso na naman ako.”

Kung minsan naman ay napapagalitan sila ng director dahil kailangan na sila sa set, naglalaro pa ng taguan at habulan.

Kami man ay nadamay rin sa pagiging childish ni Nora.  May pagkakataong magtatago iyan sa amin.  Saka gugulatin na lamang kami.  Kung minsan, tatawagin na lamang ang aming pangalan subali’t hindi naman magpapakita.  May panahon pang tatakpan niya ang aming mga mata.  At nangingiliti pa iyan.

Minsan naman, nag-iiyak siyang nagsumbong sa amin.  Kinalaban daw siya ng isang radio announcer.  Kasi, hindi raw siya sumipot sa kanilang tipanan.  Ke bata-bata pa raw siya’y indiyanera na, wika raw ng announcer.  Ang totoo raw, hindi naman niya tinanguan iyon dahil may recording siya noon.

Wala rin siya sa proper mood noong minsan namin siyang dalawin sa set ng “Drakulita.”  Nagsisimula na kasi noong magkagulu-gulo ang trianggulo nila nina Tirso at Edgar Mortiz.  Napansin naming medyo namumugto ang kanyang mga mata.  Kaiiyak nga lamang daw, sabi ng iba, dahil marami siyang narinig na mga tsismis laban sa kanya.  Pero, nang makita niya kami, nilapitan pa rin kami at binati.  Nang malamang nais naming siyang ipiktoryal, nagpaunlak pa rin siya, kahit medyo may hidwaan sila ng isa sa kanyang mga kapareha.

Noon nagsimulang madawit sa tsismis ang pangalan ni Nora. Naroong atakihin siya ng director ng isang palatuntunan sa telebisyon na nilalabasan niya.  Naroong kumalat ang balitang suplada siya, lasengga, at kung anu-ano pa.

Ang mga pamimintas kay Nora ay nakabuti sa kanya.  Naging usap-usapan siya hanggang sa ibunsod nga ni Direktor Artemio Marquez ang love team nila ni Tirso.  Ang “D’ Teenage Musical Idols” ay naging box office hit.  Tagumpang ang pagkalunsad sa kanila bilang ganap na mga bituin.  Unti-unti na silang nilapitan ng mga movie scribes na dati’y hindi pumapansin sa kanya.  At nang magkasunud-sunod nga ang kanyang mga pelikula, pinaalalahanan namin siya:  “Huwag sanang lalaki ang ulo mo, Nora.”  Sasagot naman siya:  “Hindi po.  Kagalitan po ninyo ako kapag lumaki na ang ulo ko.”

Mula nang maging bukambibig ang pangalan ni Nora, marami ang naging write-ups sa kanya na karamihan ay ukol sa kanyang pagiging indiyanera.  Kami man, kahit naging malapit na siya sa amin ay na-indiyan din niya.  Ngunit may ginagawa siyang paraan upang hindi kami magalit sa kanya.

Noong Disyembre, malayo pa man ang kaarawan ko ay kinumbida ko na siya.  Tuwing magkikita kami, ipinaaalaala ko iyon sa kanya.  Tango nang tango siya.  Pupunta raw.  Sumapit ang gabi ng pagdiriwang:  Walang Norang sumipot.  Naisip ko, baka may siyuting.  Subalit wala naman pala sapagkat si Tirso na katambal niya sa “Young Love” ay nakarating.

Pagkaraan ng tatlong araw, nagkita kami sa Christmas Party sa Sampaguita.  Nang makita niya ako, nahihiyang lumapit sa akin.  “Tito Rustum”, aniya (Tito na ang tawag niya sa amin upang magmukhang glamorous daw), “galit ho kayo sa akin?  Kasi po, nakalimutan ko . . .”

Sabi ko naman:  “Wala akong magagawa, nakalimutan mo pala.”

“Ki-kiss na lamang po ako sa inyo paa maalis ang galit n’yo sa akin,” wika niya sabay halik sa aking pisngi.  “Bati na tayo, Tiyo Rustum, ha” paglalambing niya.

“O, sige na nga,” wika ko.

Pero ang siste nito, pinaulit pa ng kasama naming photographer ang paghalik niya sa akin.  Take two raw dahil hindi nakunan ng retrato.  Inulit naman niya.  Napahiya tuloy ako sa mga naroong napatingin sa amin.  Party yata iyon!

Hindi lamang kami miminsang na-indiyan ni Nora.  Minsan, niyaya niya kami upang manood ng “Orang”.  Magkikita raw kami sa lobby ng Life Theater sa last full show.  Pumunta naman kami subalit walang Norang dumating.

Kinabukasan, isang kaibigan ang nagsabi sa aming humihingi daw ng paumanhin si Nora sapagka’t hindi siya nakasipot nang nakaraang gabi.  Nakalimutan daw niya ang aming tipanan dahil nawili yata sa pagmamaneho ng kabibili nilang kombe.

Pagkaraan ng dalawang araw, nagkita kami sa bahay nina Direktor Marquez.  Nagkunwari akong hindi siya nakita.  Akalain ba namang lumuhod sa harap ko at nagsabing hindi siya tatayo hangga’t hindi ko sinabing hindi na ako galit sa kanya.  “May sulat pa nga ho akong ginawa para sa inyo para mag-sorry,” dugtong pa niya.  Ano pa nga ang gagawin ko kundi ang sabihing wala akong hinanakit sa kanya.  Nakatingin pa naman sa amin si Maria Victoria.  Nagyaya siyang muli.  Talagang darating na raw siya sa Life.  Nang dumating nga kami’y nadatnan na namin siya roon.  Ang daming pinamiling pagkain.  Nang makita kami, parang batang pinandilatan pa kami.  “Beeee…naunahan ko sila ngayon!”

Madalas akong ilagay sa embarrassing situation nitong si Nora.  Minsan, Linggo noon, nasa ABS-CBN kami.  Papalabas pa lamang nila ni Tirso pagkatapos ng program nilang “Fiesta Extravaganza” samantalang papasok pa lamang sina Vilma Santos at Edgar Mortiz para naman sa programang “My Love For You.”  Kontentung-kontento ako sa pagkakatayo nang bigla na lamang niya akong nilapitan at tila nanggigigil na pinagkukurot ang pisngi ko.  (Hindi naman ako baby-face).  “Talagang mahal na mahal ko itong Tito Rustum ko,” sabi pa niya.  Napatingin tuloy sa amin ang mga tagahangang naroon, pati sina Tirso, Vilma at Edgar.  Namula ako noon.

Noong ipagdiwang niya ang kanyang kaarawan sa White Plains, medyo napahiya rin ako sa ibang mga scribes.  Marami kaming naghihintay kay Nora na noon ay nagbibihis pa.  Palibhasa’y nasa may bandang pintuan ako, kaya nang lumabas si Nora, ako agad ang nabungaran.  Binati ko siya ng “Happy Birthday.”  Nagtago siya at kumapit sa likuran ko nang makita ang maraming reporters.  Pabulong niyang sinabi na nahihiya raw siya at natatakot, baka galit daw sa kanya ang iba.  Pabulong ko ring sinabi sa kanyang hindi sila pupunta roon kung may sama ng loob sa kanya.  Saka lamang niya hinarap ang mga ito.  Ang kaso, nakatingin silang lahat sa amin.  Kung sa bagay, ang mga gestures ni Nora ay nagpapatunay lamang na tinuturing niya kaming hindi iba sa kanya, na nagtitiwala siya sa amin.

Minsan nga, dahil sa pagiging malapit niya sa amin, muntik nang magalit sa amin ang isang reporter.  Paano, nang kapanayamin niya si Nora, tumitingin muna sa aming ang bata bago sumagot, lalo na kung controversial questions.  Para bang humihingi ng tulong.  Nang mapansin naming medyo naiinis ang reporter, tinangka naming umalis, subalit pinigil kami ni Nora.  Natatakot kasi siyang makasagot ng mali.  Anupa’t marami ang nag-aakalang PRO kami ng munting superstar.

Totoo, may panahon ding pinapayuhan namin si Nora ukol sa mga gawi niyang hindi nagugustuhan ng iba.  Kinakausap namin siya nang seryo.  Noon ngang mabalitang idedemanda siya ng kanyang tiyo at tiya, pati ang kaguluhan sa kanilang pamilya, napapaiyak pa iyan sa amin.  “Ewan ko po kung bakit halos lahat na yatang kaapihan ay ibinigay Niya sa akin,” wika pa niya habang humihikbi.

Nang maging matunog naman ang mga alingasngas ukol sa kanya at kay Manny de Leon, pati na ang iba’t ibang tsismis na masagwa na panay paninira sa kanya, sinikap namin siyang makausap.  Natagpuan namin siya sa set ng “Three for the Road,” ngunit hindi naman kami nagkausap nang masinsinan dahil sa marami ang nakapaligid sa amin.

“Basta po huwag kayong magagalit sa akin . . . “ pahabol niya sa amin.

Kahit sikat na sikat na si Nora, hindi pa rin nawawala sa kanya ang pagiging galawgaw at pagiging palabiro.  Pati si Mamay Tonying na kanyang ina ay pinagbibibiro niya.  Sasabihin niya sa ina:  “Ikaw, Antonia, huwag mo akong matitigtitigan nang ganyan at baka kita kurutin nang pinung-pino.”  Kapag napansin niyang medyo magagalit na ang ina, yayakapin niya ito at paliliguan ng halik.  “Talagang mahal ko itong mommy ko eh,” paglalambing niya.

Nang dalawin naman namin siya sa set ng “Darling”, sinalubong niya kami ng:  “Tayo, ha, an tagay-tagay na ninyong di nagpapatita ta atin, ha!”

“Paano, malaki na raw ang ulo mo,” panunumbat namin sa kanya.

Bigla siyang pumormal.  “Pati ho pala kayo, naniniwala na sa iba.  Hindi ko po alam kung ano ang ipinagbago’t ipinaglaki ng ulo ko,” aniya.  “Sabihin ho ninyo sa akin kung ano iyon.”

Huli naming nakausap si Nora nang magrecording siya sa CAI Studio para sa kanyang long playing album na “The Phenomenal Nora Aunor” ng Alpha.  Nang makita niya kami, hindi namin inaasahang magmamano pa rin siya sa amin.  Napatingin tuloy sa amin ang isang baguhang reporter na naroon din nang gabing iyon.

Tinawag na siya sa loob.  Nag-rehearse.  Nang actual take na, tawa siya nang tawa kaya hindi niya mabuo ang unang bahagi ng kantang inirerecord niya.  “Kasi, sina Tito Rustum at Tito Eddie, nakatingin.  Nako-conscious tuloy ako,” wika niya.  Nagkunwa kaming aalis (batid naming nagbibiro lamang siya) at hinabol niya kami.  “Nagbibiro lamang po ako . . .”

Pagkatapos ng recording, kinausap namin siya.  Ayaw niyang mag-comment ukol sa pagkademanda sa kanya ng Sampaguita.  Sinimulan namin ang pictorial.  Umiral na naman ang kalikutan niya.  Kung anu-anong pose ang ginagawa na hindi naman maaaring kunan.  Naroong mag-pose nang ala-Divina Valencia.  Naroong umarteng parang tomboy.  Naroong sasayaw ng ballet.  Sa pagpili namin ng puwesto, napaharap siya sa isang kuwadrong may nakaguhit na apat na babaing naka-nude.  Napakurus siya sabay wikang:  “Ang Tito Eddie naman . . . Pinaharap pa ako roon.  Magkakasala ako niyan eh!”
Nang mag-uwian na, nagprisinta siyang ihatid kami ng kanyang kotse at siya ang magmamaneho.  Sapagkat batid naming pagod na siya (hatinggabi na nang matapos ang recording) at ang isa pa’y magkaiba ang aming patutunguhan (sa Better Living siya at kami naman ay sa Sampalok), hindi na kami sumabay sa kanya.

“Mag-ingat po kayo,” bilin pa niya sa amin.

“Ikaw ang higit na dapat mag-ingat sapagkat mangingibang-bansa ka!” wika namin.

“Salamat po, aalalahanin kong lagi ang bilin n’yo,” tugon niya.

Malayo na ang sasakyan niya ay kumakaway pa rin sa amin ang munting bituin na dinidiyos ng libu-libong tagahanga, ang batambatang superstar na gaya rin ng karaniwang nilalang na may nakatutuwang mga asal.


Pilipino Magazine, Agosto 26, 1970

·         * * * * *

2 comments:

Tiradauno said...

bEarn while you enjoy time with your Family & Lovedones!
For more details, kindly visit http://www.unemployedpinoys.com/

valentine said...

Interesting happening re the Filipinos' celebrity icon = Nora Aunor.