Wednesday, May 7, 2014

MGA 'KAMPEON SA TAKILYA' NG 1964 (Taliba, Pebrero 13, 1965)

Click on image to enlarge


MGA 'KAMPEON SA TAKILYA' NG 1964
Tagumpay ang pelikulang Pilipino sa pagpapasok ng salapi sa prodyuser 

ni LUDY ORTEGA


Ang taong 1964 ay maitatangi sa lahat ng taon kung ang pag-uusapan ay ang pelikulang Tagalog.  Umaabot sa 154 na pelikulang pangdalawang oras o mahigit pa ang niyari ng may 40 estudyo at prodyuser na kinabibilangan ng Sampaguita, VP, Larry Santiago, Tagalog Ilang-Ilang, Tamaraw, Dalisay, People's, FPJ, D'Lanor, Jafere, Joseph Estrada, Kislap Tagalog, Golden Harvest, Ambassador, Luzon, Hollywood-Far East, Magna East, RTG, GM Film Organization, Vitri, Medallion, Pauline's, RV, LSJ, Emar, Kayumanggi, Broadway, DES at maraming iba pa.  Bukod pa sa rito ay may ginawa ring maiiksing pelikula na kung tawagin ay mga "documentaries" at isa na rito ay ang "Magandingay" na nakakuha ng karangalan sa katatapos na Taiwan Fil mFestival.

Maitatangi pa rin ang taong 1964 sa kasaysayan ng pelikula sa Kapuluan pagka't ang pinakamahal na pelikulang Tagalog ay nayari sa taong ito.  Ang D'Lanor Productions, kapatid na kompanya ng FPJ at Jafere Productions, ay nanguna sa mga kompanyang tumustos ng di biru-birong salapi upang makayari, at mapaganda ang kanilang mga produksiyon.  Ang naturang kompanya ay gumugol ng P300,000 upang matapos ang pelikulang may kulay na "Daigdig ng Fantasia" na pinangunahan nina Dolphy at Nova Villa.  Inabot ng 9 na buwang paghahanda at siyuting si Direktor Herminio (Butch) Bautista upang matapos ang nasabing pelikula.  At sa may 11 araw na palabas ng "Daigdig ng Fantasia" dulaang Center noong Disyembre, ito ay kumita ng may P31,000.00.

Ang "Eddie Loves Susie" ng VP Pictures na pinamumunuan ni Dr. Jose R. Perez ay pumangalawa sa laki ng nagastos sa isang pelikula lamang nang taong 1964.  Umabot sa P250,000.00 ang nagugol sa pelikulang ito na kinunan sa Nueva York, Niagara, Mehiko, Kanada, Boston, California at Haway.  At samantalang nasa Nueva York ang pangkat, isang bagong-bagong kamerang Airiflex ang nawala roon na siyang lalong nagpalaki ng gastos ng pelikula.

Ang "Eddie Loves Susie" ay kauna-unahang direksiyon ni Luciano B. Carlos -- ang tanging Pilipinong nagkamit ng kauna-unahang Asian Best Scenario Award sa kanyang pagkakayari ng iskrip ng "Ang Asawa Kong Amerikana."  Ang "Eddie Loves Susie" ay pinangunahan nina Susan Roces, Eddie Gutierrez, Rosemarie at Pepito Vera Perez.

Ang pangatlong pelikulang pinagkagastahan ng malaki noong 1964 ay ang "Mga Daliring Ginto" ng LEA Productions ni Gng. Emilia Blas.  Ang naturang pelikula ay niyari sa kulay Eastman kung kaya inabot ng P200,000 ang nagugol.  Sina Joseph Estrada at Amalia Fuentes ang mga pangunahing bituin ng "Mga Daliring Ginto" na ginawa sa Olongapo at Subik sa Sambales.

Ang "Vendetta Brothers" ng Joseph Estrada Productions na pinamahalaan ni Cezar (Chat) Gallardo at pinangunahan nina Joseph Estrada, Arnold Mendoza, Maggie de la Riva ay umabot din sa halagang P200,000 bago natapos.

Ang "Walang Hanggan" ng Tagalog Ilang-Ilang Productions na siyang unang pagtatambalnina Fernando Poe, Jr. at Amalia Fuentes at pinamahalaan ni Direktor Armando Garces ay nagkahalaga ng P197,823.13 bago natapos.  Sa may 19 na pelikulang niyari ng Tagalog Ilang-Ilang ay ang "Walang Hanggan" ang pinakamagastos.

Dalawang pelikula -- ang "Prinsesang Kalapati" ng LEA Productions, na may kulay at pinangunahan ni Amalia Fuentes at Bernard Bonnin sa direksiyon ni Nemesio E. Caravana, at ang "Mga Kanyon Sa Korehidor," produksiyon ng Sampaguita Pictures at VP Pictures at pinangunahan ng 75 bituin, pinamahalaan ng dalawang direktor, sina Mar S. Torres at Jose de Villa, at ginawa nang may isang buwan sa pulo ng Korehidor at doo'y gumugol sila ng P10,000 para sa mga punlong pinaputok, ay kapuwa nagkahalaga ng tig-P165,000 bago natapos.

Ang iba pang pelikulang Tagalog na pinagkagastahan ng malaki ay ang "Daniel Barrion" at "Baril na Ginto" ng FPJ -- tig P160,000; ang "Jukebox Jamboree" ng VP Pictures at "Captain Barbell" ng D'Lanor Productions, tig P150,000; ang "Let's Go" at "Kumander Fidela" ng Larry Santiago Productions na natapos sa badyet na P150,000 at P148,000; ang "Kulay Dugo ang Gabi" ng People's Pictures na nagkahalaga ng P146,029.64 at ang "Deadly Brothers" ng Joseph Estrada Productions na inabot ng P145,000 bago nayari.

Kung ang karamihan sa nayaring pelikulang Tagalog nang 1964 ay hindi man nagustuhan ng ating mga kritiko na laging ipinaparis ang gawang Estados Unidos sa yaring Pilipino at hindi man lamang isinasaalang-alang ang uri ng kagamitan at laki ng badyet ng mga pelikulang yari sa ibang bansa, natupad din ng pelikulang yari rito ang makapagbigay kasiyahan sa kanyang mga tagatangkilik, at lalong higit, ang layong kumita sa takilya.

Sa may 120 pelikulang Tagalog na niyari ng iba-ibang samahan noong 1963, may ilan ding kompanya na hindi gumawa nang nakaraang taon.

Noong 1963, ang nanguna sa mga "higante sa takilya" ay ang "Ako'y Iyong-Iyo" ng Tagalog Ilang-Ilang Productions na pinangunahan nina Amalia Fuentes at Romeo Vasquez.  Sa 25 araw na unang pagtatanghal ng "Ako'y Iyong-Iyo" sa dulaan, ito ay kumita ng P106,438.31.

Ang pumangalawa ay ang "Abaruray Abarinding" ng VP Pictures na kumita ng P103,021.00 sa loob ng 19 na araw na palabas sa dulaang Life.

Pumangatlo ang "Tatlong Mukha ni Pandora" ng Zultana International, na kumita ng P85,965.40 sa loob ng 11 araw na palabas sa dalawang sinehan.  Naging pang-apat ang "Sweet Valentines" ng VP Pictures na kumita ng P68,513.60 sa loob ng 13 araw; panlima ang "Amaliang Mali-Mali" ng VP Pictures din na kumita ng P67,193.60 sa loob ng 14 na araw.  Pang-anim naman ang "Dance-O-Rama" ng Sampaguita na kumita ng P61,818.20 sa loob ng 16 na araw; pampito't pangwalo ang "Adonis Abril" ng Larry Santiago Productions na kumita ng P56,020.30 sa loob ng 10 araw at ang "Duwelo Sa Sapang Bato" na kumita ng P52,008.20 sa loob ng 10 araw; pangsiyam ang "Esperanza at Caridad" ng Sampaguita na kumita ng P49,354.00 sa loob ng 14 na araw, at ang pangsampu ang "Ulilang Cowboy" ng Larry Santiago Productions na nagpasok ng P49,112.60 sa loob ng 10 araw na labas sa dulaang Globe.

Noong nakaraang taon, nakamit ng VP Pictures, Inc. ang una, pangalawa, pang-14, 15, 18, 19 at pang 20 puwesto sa mga pelikulang Tagalog na kinilalang kampeon sa takilya.  Ang pangatlo, pang-11 at pang-12 ay napunta sa Tagalog Ilang-Ilang Productions; ang pang-apat at pampito ay nakamit ng magkasamang produksiyon ng Sampaguita Pictures at ng VP Pictures; nakuha ng Larry Santiago Productions ang pang-lima at pang-13 puwesto; sa Lea Productions ang pan-anim na karangalan, sa Fernando Poe, Jr. (FPJ) Productions ang pang-walong puwesto; sa Sampaguita Pictures ang pang-siyam at pang-16 na karangalan, sa People's Pictures ang pang-sampu at sa Dalisay Pictures ang pang-20 karangalan.

Ang 20 kinikilalang kampeon sa takilya ng pelikulang Tagalog ng taong 1964, pati ng kanilang mga pangunahing artista, direktor at mga halaga ng kanilang pagkakayari ay ang mga sumusunod:

1.  EDDIE LOVES SUSIE, VP Pictures Inc.
 Life Theater, Enero 1-22 (22 araw); Republic Theater, 7 araw; Kabuuan, 29 na araw -- P149,326.60; Komedya-musikal -- Susan Roces, Eddie Gutierrez, Rosemarie at Pepito Vera Perez; Isinapelikula sa Kanada, Mehiko at Haway; Direksiyon:  Luciano B. Calos; Halaga ng produksiyon:  P250,000.00.

2.  JUKEBOX JAMBOREE, VP Pictures, Inc.
Life Theater -- Hulyo 17-Agosto 2 (15 araw) -- P85,052.80; Komedya-Musikal -- Gloria Romero, Luis Gonzales, Rosemarie, Bert Le Roy, Jr. at Daisy Romualdez; Direksiyon:  Luciano B. Carlos; Halaga ng produksiyon:  P150,000.00.

3.  ISA LANG ANG HARI, Tagalog Ilang-Ilang Pictures.
Globe Theater -- Hulyo 12-18 (17 araw) -- P78,999.00; Aksiyon -- Jess Lapid, Jun Aristorenas, Tony Ferrer, Divina Valencia, Gina Laforteza; Direksiyon:  Armando Garces; Halaga ng produksiyon:  P140,000.00.

4.  ANONG GANDA MO, Sampaguita-VP Pictures.
Life Theater -- Mayo 8-27 (20 araw) -- P77,932.40; Drama-musikal -- Gloria Romero, Susan Roces, Juancho at Eddie Gutierrez; Direksiyon:  Luciano B. Carlos; Halaga ng produksiyon:  P120,000.00.

5.  KUMANDER FIDELA, Larry Santiago Productions.
Globe Theater -- Hunyo 29-Hulyo 8 (10 araw) -- P75,562.40; Fernando Poe, Jr., Willie Sotelo, Helen Gamboa; Direksiyon:  Pablo Santiago; Halaga ng produksiyon:  P148.000.00.

6.  PRINSESANG KALAPATI, LEA Productions.
Center Theater -- Huly 17-26 (10 araw) -- P74,000.00; Pantasya, Eastman color -- Amalia Fuentes at Bernard Bonnin; Direksiyon:  Nemesio Caravana; Halaga ng produksiyon:  P165,000.00.

7.  MGA KANYON NG CORREGIDOR, Sampaguita-VP Productions.
Life Theater -- Agosto 3-17 (15 araw) -- P65,746.40; Isinapelikula sa Korehidor; 75 mga bituin; Direksiyon:  Jose de Villa at Mar S. Torres; Halaga ng produksiyon:  P150,000.00.

8.  BARIL NA GINTO, FPJ Productions.
Globe Theater - Hulyo 24-Agosto 2 (10 araw) -- P64,936.20; Pelikulang aksiyon -- Fernando Poe, Jr., Nova Villa; Direksiyon:  Efren Reyes; Halaga ng produksiyon:  P140,000.00.

9.  LERON-LERON SINTA, Sampaguita Pictures.
Life Theater -- Hulyo 8-19 (12 araw) -- P64,291.40; Komedya-drama-musikal -- Susan Roces at Eddie Gutierrez; Direksiyon:  Mar S. Torres; Halaga ng produksiyon:  P120,000.00.

10.  KULAY DUGO ANG GABI, People's Pictures.
Globe Theater -- Nob. 6-15 (10 araw) -- P63,321.60; Pelikulang katatakutan, Eastman color -- Amalia Fuentes, Ronald Remy at Eddie Fernandez; Direksiyon:  Gerardo de Leon; Halaga ng produksiyon:  P146,000.00.

11.  ITO ANG LALAKI, Tagalog Ilang-Ilang Pictures.
Dalisay Theater -- Mayo 19-28 (10 araw) -- P63,000.00; Pelikulang aksiyon -- Jess Lapid at Divina Valencia; Direksiyon:  Armando Garces; Halaga ng produksiyon:  P130,000.00.

12.  WALANG HANGGAN, Tagalog Ilang-Ilang.
Globe Theater -- Hunyo 21-30 (10 araw) -- P62,000.00; Amalia Fuentes at Fernando Poe, Jr.; Direksiyon:  Armando Garces; Halaga ng produksiyon: P197,823.12 (pinakamataas sa 19 na pelikula).

13.  LET'S GO, Larry Santiago Productions.
Globe Theater -- Abril 10-19 (10 araw) -- P61,490.00; Eddie Mesa, Jose Mari, Helen Gamboa, Chiqui Somes; Direksiyon:  Pablo Santiago; Halaga ng produksiyon:  P150,000.00.

14.  UMIBIG AY DI BIRO, VP Pictures.
Life Theater -- Dis. 20-31 (12 araw) -- P58,058.40; Komedya-drama -- Susan Roces at Eddie Gutierrez; Halaga ng produksiyon:  P120,000.00.

15.  SA LIBIS NG BARYO, Sampaguita Pictures
Life Theater -- Okt. 24-Nob. 3 (11 araw) -- P50,555.60; Susan Roces, Lito Legaspi, Josephine Estrada, Ramil Rodriguez; Halaga ng produksiyon:  P120,000.00.

16.  HI-SOSAYTI, VP Pictures.
Life Theater -- Agosto 28-Sept. 6 (10 araw) -- P56,877.00; Komedya-drama -- Susan Roces, Eddie Gutierrez, Liberty Ilagan, Ramil Rodriguez; P120,000.00.

17.  PAMILYA GALAWGAW, Dalisay Pictures.
Dalisay Theater -- Dis. 25-Enero 6 (13 araw) -- P49,924.00; Komedya-drama-musikal -- Nida Blanca, Nestor de Villa, Jose Mari, Diomedes Maturan, Willie Sotelo, Mila Ocampo; Halaga ng produksiyon:  P120,000.00.

18.  BINIBIRO LAMANG KITA, VP Pictures.
Life Theater -- Peb. 22-Marso 2 (10 araw) -- P49,096.40; Komedya-drama-musikal -- Susan Roces, Eddie Gutierrez, Carmen Rosales, Oscar Moreno; Halaga ng produksiyon:  P120,500.00.

19.  LABU-LABU, Tagalog Ilang-Ilang.
Center Theater -- Nob. 4-13 (10 araw) -- P48,500.00; Jess Lapid, Tony Ferrer, Jun Aristorenas, Alberto Alonzo, Divina Valencia; Halaga ng produksiyon:  P140,000.00.

20.  BATHING BEAUTIES, VP Pictures (kadoble ang pelikula ni John F. Kennedy).
Life Theater - (10 araw) P47,762.60; Josephine Estrada, Cynthia Ugalde, Liberty Ilagan, Gina Pareno, Lito Legaspi, Tito Galla at Luis Gonzales; Direksiyon:  Mar S. Torres; Halaga ng produksiyon:  P115,000.00.



Taliba, Pebrero 13, 1965.


* * * * * *



No comments: